By

National ID system lusot sa committee level ng Senado

Sharing is caring!

Aprub na sa committee level ng Senado ang panukalang batas na layong magkaroon ng isang official ID at habambuhay na official ID number ang bawat pilipino at pati ang mga dayuhang papasok sa bansa.

Ito ay ang panukalang Philippine ID System, tinatawag ding National ID System, na nakapaloob sa Senate Bill No. 1738, na pirmado at inendorso ng 17 senador na kasapi ng Senate subcommittee on the Filipino Identification System at ng Senate committee on justice and human rights.

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, chairman ng subcommittee, padadaliin nito ang transaksyon sa lahat ng transaksyon sa gobyerno man o pribadong institusyon.

Sa ngayon, ang isang indibidwal ay puwedeng magkaroon ng 33 ID na nagpapakapal lang aniya ng wallet.

Kapag naisabatas, ang national ID ay magkakaroon ng unique at permanent ID number, may biometrics at magiging habambuhay na legal proof ng pagkatao.

Magiging tagapag-ingat ng lahat ng impormasyon ang Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon kay Lacson, magiging confidential ang lahat ng impormasyon maliban kung pumayag ang ID holder na isapubliko ang mga impormasyon o kung kailangan itong puwersahin ng gobyerno dahil kailangan sa pambansang seguridad.

Ang magsasapubliko ng confidential information ukol sa ID holder ay makukulong ng hanggang anim na taon.

Sa ngayon, mayroon nang unified multi-purpose ID (UMID) para sa mga myembro lang ng SSS, GSIS, Philhealth at PAGIBIG na nagagamit ng 20 percent lang ng populasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?