122

Dec 4, 2017 @ 19:24
By

National ID System ipapasa sa Senado sa 2018 – Lacson

Puntirya ng Senado na mapagtibay sa unang bahagi ng taong 2018 ang panukalang national identification system o National ID system.

Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, isa sa mga nag-akda ng panukala, mamadaliin na ito dahil nagmumukha nang “primitive” ang Pilipinas dahil isa ito sa kakaunti nang bansa sa buong mundo na walang National ID cards.

“I will make it a commitment to pass it sa first quarter,” ayon kay Lacson.

Maraming beses nang inihain ni Lacson ang panukala ukol sa National ID system na hindi lumusot-lusot sa Kongreso pero umaasa ngayong maisasabatas na ito dahil suportado ito ng administrasyong Duterte.

Sa panukala, magkakaroon ng unique na reference number ang bawat Pilipino at magagamit ito para makuha na ang impormasyon mula sa kanyang accounts sa mga ahensya ng gobyerno gaya ng GSIS, SSS, LTO at kinalaunan ay maaari rin itong magamit na pasaporte.

Kapag bagong panganak hanggang edad 18, bibigyan ng numero at pagsapit ng edad 18, magpaparehistro na ng personal data sa ilalim ng FIlipino Identification System.

Ani Lacson, kapag may National ID, kung saan magkakaroon ng “unique” na reference number ang bawat Pilipino, madaling masasawata ang krimen at terorismo, bibilis ang transaksyon sa mga pribadong institusyon gaya ng bangko, mabilis na matutunton ang mga tax evader pati ang flying voters.

Pero kahit maisabatas ito hanggang sa susunod na taon, sinabi ni Lacson na maaaring abutin ng limang taon para maipatupad ang National ID system para sa lahat ng mga Pilipino dahil kapos pa ang teknolohiya rito.

Samantala, ayon kay Undersecretary Liza Grace Bernales, head ng Philippine Statistics Authority, maaaring abutin sila ng 30 taon bago maisyuhan ng National ID ang kalahati ng populasyon ng bansa o ang 60 milyong Pilipino.

Magiging simple lamang daw ang impormasyon na ipapasok sa National ID — ang pangalan, birthday at reference number na magagamit kapag pumunta sa isang opisina.

Hindi raw maaaring ipasok sa isang National ID lahat ng impormasyon dahil magiging mas magastos.

Bukod dito, ang pakay naman aniya ng National ID ay ang pagkakaroon ng legal identity ng bawat Pilipino.

Sisikapin naman daw dito na maprotektahan ang privacy at confidentiality ng mga impormasyon na ipapaloob sa National ID. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?