80

By

National ID System, immunization program tatalakayin sa Cabinet meeting

Magiging sentro ng pagtalakay sa ipinatawag na Cabinet meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Miyerkoles, Pebrero 6 ang isyu sa National Identification System at ang immunization program ng Department of Health.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles, ilalatag kay Pangulong Duterte ang mga ginagawang hakbang para sa implementasyon ng National ID System na ang unang magiging prayoridad ay ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps), overseas Filipino workers (OFWs) at senior citizens.

Sa isyu naman ng immunization program, inaasahang aalamin ng Pangulo kay Health Secretary Francisco Duque ang mga ginagawang hakbang ng ahensiya matapos mabatid na tumatanggi ang mga magulang na ipabakuna ang mga anak matapos ang kontrobersiya sa Dengvaxia vaccine.

Nakatakda ring talakayin sa Cabinet meeting ang kung paano mabawasan ang mahabang proseso sa Department of Agrarian Reform at kung paano mapahusay ang kapakanan ng sektor ng magsasaka.

Matatandaang binalaan ni Pangulong Duterte ang ilang opisyal ng DAR dahil sa mabagal na pag-aksiyon sa mga transaksiyong may kinalaman sa land conversion.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?