National ID, puwedeng pamalit sa passport – Lacson

Sharing is caring!

Sakaling maipasa at maging batas, malaki ang maitutulong ng isinusulong na National ID system ‘di lamang sa mga transaksiyon kundi maging sa terorismo.

Ayon kay Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, maaaring magamit ang pinag-isang ID sa crime detection at prevention at sa iba pang transaksiyon na kinakailangang magprisinta ng identification.

Dagdag pa nito, kasalukuyan pang pinag-uusapan kung puwede na rin itong pamalit sa passport at magamit sa immigration.

“Maraming gamit sa crime detection and prevention. Sa (paglaban sa) terrorism, tapos pag-transact ng business with private institutions like sa bank loans. Di ba tayo pag nag-open ng account hihingan tayo ng 2 IDs? So ngayon kanina discussed baka puwede ito gawing substitute sa passport natin pauwi. And one step forward baka puwede magkaroon ng e-gates. Pag swipe mo ng national ID mo, out you go, ‘di ka na pipila sa immigration,” paliwanag ng senador.
Malaki umano ang tiyansa nitong makapasa dahil nasa third and final reading na ito sa House of Representatives saka ide-deliberate sa Senado.

Nais umano niyang makapaglabas na ng committee report pagbalik ng sesyon ng Senado sa Enero at maipasa ito sa unang bahagi ng susunod na taon.

Aniya, hinggil naman sa full implementation nito’y baka matagalan umano ito dahil sa unang beses pa lamang itong gagawin sa bansa katulad ng sa India at Indonesia na limang taon ang inabot para sa ganap na implementasyon at depende umano sa teknolohiyang mayroon ang Pinas.

Sa pondo naman ay walang problema dahil buo naman umano ang suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa National ID system.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?