96

Oct 14, 2019 @ 21:31
By

‘National disappointment’ kung hindi makakasuhan si Albayalde – Gordon

Maituturing na isang malaking ‘national disappointment’ kung hindi umano makakasuhan si Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde sa kabila ng ginawa nitong pagbitiw sa kanyang puwesto.

Ito ang sinabi ni Senador Richard Gordon, chairman ng Senate blue ribbon at justice and human rights committees, kaya’t dapat magkaroon pa ng dagdag na ebidensiya para magkaroon mg matibay na kaso laban kay Albayalde.

“That would be a national disappointment kung hindi makakasuhan si Albayalde. Maghukay sila, kami naghukay. Dapat maghukay ang administrasyon para ang kaso (vs Albayalde) matibay,” pahayag ni Gordon sa panayam nitong Lunes.

Kasabay nito, hinamon pa ni Gordon si Pangulong Rodrigo Duterte na patunayan na wala itong kinikilingan pagdating sa usapin ng korapsiyon partikular sa kontrobersiyang drug recycling na kinasasangkutan ng ilang tiwaling pulis.

“This is a good opportunity for the President to make a clean breast of it all na pakita niya na wala siyang kinikilangan sa korapsyon, wala siyang kinikilingan dito. Kahit na unipormadong tao, kahit na pinagkakatiwalaan niya,” sabi pa ni Gordon.

“Makakaganda di hamak sa President pag tinuluyan niya, hinulog niya ‘yung tabak sa leeg nitong mga nagloloko,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?