144

Nov 27, 2018 @ 17:15
By

Natalo sa bidding para sa 3rd telco, nagmaktol sa Senado

Nagreklamo sa Senado ang mga natalo sa bidding para sa ikatlong player sa telecommunications industry (telco).

Nanalo sa bidding ang Mislatel consortium na binubuo ng Udenna Corporation at Chelsea Logistics ng negosyanteng si Dennis Uy, at ng China Telecom na pag-aari ng pamahalaan ng China.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order, sinabi ng Philippine Telegraph & Telephone Corp. (PT&T) na nadiskwalipika sila sa bidding dahil binago ng National Telecommunications Commission (NTC) ang terms of reference o panuntunan para sa mga lumahok sa bidding.

Itinanggi naman ito nina NTC Commissioner Gamaliel Cordoba at Department of Information and Communications Technology (DICT) Acting Secretary Eliseo Rio na nagbigay-diin na ipinalathala nila ang pamantayan at may nagreklamo lamang noong mismong araw ng bidding.

Inireklamo naman ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson ang umano’y pagtataksil sa kaniyang kumpanya ng isang kasosyo sa Mislatel.

Hindi raw ito dapat na nakipagsosyo sa mga kumpanya ni Uy dahil may eksklusibo na itong kontrata sa DigiPhil, isa sa mga kasosyo ng Sear consortium na kinabibilangan ng kumpanya ni Singson.

Sa pagdinig pa rin ng Senado, sinabi ni Nicanor Escalante, chief executive officer ng Mislatel, na kumalas ito sa Digiphil dahil sa “gross and fraudulent misrepresentation”.

Ayon kay Singson, magsasampa sila ng kaso sa korte laban sa Mislatel.

Sinabi ni Rio na kapag pinanigan ng korte si Singson, magsasagawa muli ng public bidding para sa third telco.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?