100

Mar 17, 2020 @ 18:26
By

Natakot sa COVID-19: Misis nag-grocery nang libre, dinakip

Kulungan ang bagsak ng isang 39-anyos na misis matapos mabuking sa pagnanakaw ng grocery items sa loob ng supermarket sa Barangay Rosario, Pasig City, Lunes ng gabi.

Nahaharap sa kasong theft-shoplifting ang suspek na si Edrose Velasco, 39-anyos, residente ng Pasig City matapos ireklamo ni Jerick Caberoy, 42-anyos, Admin Officer ng Robinson Supermarket Lucky Gold Branch na matatagpuan sa Ortigas Ave. ext. Barangay Rosario.

Inaresto ang suspek bandang 7:15 Lunes ng gabi sa loob ng Robinson Supermarket matapos mabuking ng security guard ang ginawang pagnanakaw nito makaraang mapansin ang kahina-hinalang kilos ng suspek habang nag-iikot sa grocery store.

Umaabot sa P4,665.75 ang assorted grocery items na naisilid ng suspek sa loob ng kanyang dalang bag at nang sitahin ng guwardiya ay walang maipakitang resibo ang suspek.

Giit naman ng suspek na pang-stock lang niya sa bahay dahil sa pangamba sa coronavirus dahil nagpa-panic buying na umano ang ilan subalit wala siyang pera kaya nagawang mang-umit.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Pasig detention cell.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?