127

Sep 14, 2019 @ 18:59
By

Natagpuang mga patay na baboy sa QC, positibo sa ASF

Kinumpirma ni Quezon City veterinarian Dra. Ana Cabel na nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang mga patay na baboy na natagpuan sa ilog sa Quezon City, umaga ng Miyerkoles.

Ayon kay Cabel, bukod sa mga natagpuang patay na baboy sa ilog sa Barangay Bagong Silangan, nagpositibo rin sa ASF ang ilang buhay na baboy na kanilang sinuri sa pamamagitan ng blood sampling.

Gayunman, inaalam pa aniya kung saan galing ang mga patay na baboy na nakita sa mga creek sa lungsod at naglagay na rin ng checkpoint ang QC Veterinary Office bunsod ng napabalitang pagkamatay ng mga baboy dahil sa sakit.

Una rito ay umalingasaw umano ang masansang na amoy sa mga residente sa nabanggit na barangay at nang kanilang hanapin ang pinagmumulan nito ay doon nila nakita ang mga patay na baboy sa ilog sa Brgy. Silangan.

Dahil sa takot ay agad na ini-report ng mga residente sa kanilang barangay ang natagpuang mga patay na baboy kaya agad namang ipinagbigay-alam ng mga opisyal sa kanilang pamahalaang lokal.

Sinabi ni Jhie Nicolas Bolano, barangay officer, may mga listahan na rin umano sila ng mga may piggery sa kanilang lugar at kanila nang iniimbestigahan kung saan at sino ang nagtapon ng mga patay na baboy.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?