193

Jan 8, 2018 @ 14:43

Nasusunog na oil tanker sa China, nanganganib sumabog

Nanganganib na sumabog o ‘di kaya’y lumubog ang naglagablab na Iranian oil tanker sa baybayin ng China, ayon sa mga otoridad.

Sa ulat ng Agence France-Presse (AFP), sinabi pa ng mga otoridad na walang tanda ng mga nakaligtas makalipas ang 36 na oras mula nang lamunin ng apoy ang vessel.

Kasalukuyan pa umanong nilalamon ng malakas na apoy ang barko na may dalang 136 tonelada ng langis.

Hindi makapasok ang mga rescuer upang sagipin ang nakulong na mga crew na 30 Iranians at dalawang Bangladeshis dahil sa maitim at makapal na usok mula sa barko, ayon sa transportation ministry ng China.

Sabi pa nito, na ang Panamanian-flagged 274-metre (899-foot) tanker na Sanchi ay, “in danger of exploding or sinking.”

Nangyari ang insidente nitong Sabado sa Shanghai, nang ang tanker ng Glory Shipping ng Iran na patungo sa South Korea ay bumangga sa Hong Kong-flagged cargo ship na CF Crystal, na may karga namang 64,000 tonelada ng grain.

Sampung government vessels at ilang barkong pangisda ang tumulong sa nagpapatuloy na rescue at clean up ops, kasama ang South Korean coast guard ship.

Umayuda na rin sa paghahanap sa mga biktima ang US Navy aircraft nitong Linggo bago bumalik sa Kadena Air Base sa Okinawa, Japan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?