169

Dec 22, 2017 @ 14:41
By

Nasawi sa paglubog ng fastcraft sa Quezon, umakyat na sa lima

Umakyat na sa lima ang bilang ng mga nasawi sa paglubog ng MV Mercraft 3 sa karagatan ng lalawigan ng Quezon kahapon ng umaga.

Sa pinakahuling tala ng Philippine Coast Guard (PCG), 257 ang kabuuang sakay ng barko kung saan 251 dito ay mga pasahero, habang anim naman ang tripulante.

Dalawang daan at tatlumpu sa mga nailigtas na sakay ng barko ay nasa Barangay Dinahican sa bayan ng Polilio; 18 naman ay dinala sa pantalan ng Real habang apat naman ang nasa Pantalan ng Pandan.

Galing ang MV Mercraft 3 sa bayan ng Real at patungo sana ng Polilio nang mangyari ang insidente.

Bagama’t hindi pa tukoy ang eksaktong dahilan ng aksidente, masama umano ang panahon sa Quezon at malalaki rin ang alon nang maganap ang paglubog ng MV Mercraft 3.

Nakatakda namang magsagawa ng administratibong imbestigasyon ang Board of Marine Inquiry para alamin ang sanhi ng nasabing insidente. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?