87
magdalo-gary-alejano
Jan 15, 2018 @ 12:29

Nasaan ang malasakit?

By Gary Alejano

 

Wala tayong tutol na i-modernisa na ang mga pampasaherong jeep dahil napapanahon na rin naman na gawin ito ng gobyerno at maalis sa mga lansangan ang mga bulok na sasakyan.

Dalawang bagay ang pangunahing pakinabang ng mga mamamayan sa jeep modernization: pagtanggal ng mga bulok na jeep na bumubuga ng maruming hanging masama sa kalusugan at kalikasan, at pagsiguro ng kaligtasan ng mga commuters.

Subalit, hindi dapat pabayaan ang mga nasa sektor na maaapektuhan ng jeep modernization at maaaring mawalan ng hanapbuhay lalo na ang mga driver na nakiki-boundary lamang para buhayin ang kanilang mga pamilya.

Noong nagsasagawa ng public hearing ang Kongreso sa jeepney modernization, nangako noon ang Department of Transportation na tutulungan ang mga apektado sa programang ito katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng TESDA. Kaso mukhang hindi pa nakalatag ang mga tulong na ibibigay sa mga apektadong sektor pero nagsisimula na ang operasyon laban sa mga bulok na sasakyan.

Noong Hulyo ng nakaraang taon ay naaprubahan na daw ang mahigit PhP 2 bilyong subsidiya sa mga drivers at operators. Ngunit, sa dami ng mga jeep sa bansa, napakalabong magiging sapat ito para matugunan ang magiging epekto ng nakaambang na modernisasyon.

Ang nais pa ng administrasyong Duterte ay maging agaran ang programang modernisasyon na ito at matanggal agad ang mga jeep. Sa liit ng kita ng mga jeepney drivers maging ang mga single-unit operators na bumubuo sa malaking sektor ng jeepney transportation, talagang hindi kakayanin nang madalian ang pagbili ng mga bago at mahal na jeep kahit pa sabihing may pautang ang gobyerno.

Nandoon na tayo sa magandang intensyon ng pagmodernisa ng jeep pero alalahanin din natin ang mga maapektuhan dito ng malaki. Imbes na isang bagsakan lamang at todo pagmamadali, sa tingin ko ay dapat gawin ito ng phase by phase. Tiyakin din na may maayos ng plano – isang planong tugma sa kasalukuyang kapasidad ng mga pangunahing stakeholders.

Hindi pwedeng pabayaan na lamang ang mga maaapektuhan dito. Hindi uubra and sinabi noon ni Duterte na basta mamatay na lamang sila sa gutom. Kung pababayaan na lamang ng kasulukuyang administrasyon ang problemang ito, talagang kalupitan na iyan. Hanggang kampanya lang pala ang “malasakit”.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?