140

Jun 28, 2019 @ 15:00
By

Naputulan ng kuryente: Mag-ina nalitson sa natumbang kandila

Halos hindi na makilala nang matagpuan ang bangkay ng mag-ina matapos na makulong at malitson nang buhay sa nasunog nilang tahanan sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi.

Ang mag-inang nasawi ay nakilalang sina Julieta Bulaon, 70-anyos at Marissa Leaño, 39- anyos na nangungupahan sa nasunog na apartment sa Aguila street Vilillia Village, Brgy. Talipapa, QC.

Nagtamo naman ng mga lapnos sa katawan sina Pearl Bulaon Dovie, 12-anyos; Joel Sacdalan, 46; Renz Hige, 21, at Niel Severa, 30-anyos.

Base sa ulat ni Quezon City Fire Marshal FCol. Jaime Ramirez, dakong alas-11:30 ng gabi (June 28) nang lamunin ng lumalagablab na apoy ang inuupahang apartment ng mga biktima sa No. 5 Aguila St. Vilillia, Brgy. Talipapa, at posibleng nakulong at na-suffocate ang mag-ina kaya hindi na nakalabas sa nasusunog nilang tahanan.

Sa imbestigasyon, nagmula ang sunog sa naiwang nakasinding kandila na nakapatong sa kahoy sa kusina ng mga biktima. Ito ang nagsisilbing ilaw sa apartment na naputulan ng suplay ng kuryente nitong Martes.

Ayon kay Del Mundo, tulog na ang mga biktima nang mangyari ang sunog at ‘bedridden’ naman ang matandang si Bulaon kaya’t hindi na rin nagawang makalabas sa kanilang nagliliyab na bahay.

Aabot sa 50,000 pesos ang halaga ng pinsalang dulot ng sunog.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?