458

Dec 31, 2017 @ 17:19
By

Naputukan sa pagsalubong ng Bagong Taon, 86 na – DOH

Umakyat na sa 86 ang bilang ng mga nadadale ng paputok ilang oras bago ang Bagong Taon.

Ayon sa Department of Health (DOH), mas mataas ng siyam na kaso ang nasabing bilang kumpara sa naitala noong 2016 mula December 21 hanggang 31 na umabot lamang sa 77.

Tinukoy ni DOH Secretary Francisco Duque, wala pang naitatalang kaso ng pagkasawi dahil sa paputok, wala pa ring rekord ng nakalulon ng paputok o anumang kaso ng ligaw na bala.

Karamihan sa mga biktima ay mula sa Metro Manila na nakapagtala ng 37 kaso ng biktima kung saan 25 rito ay mula sa Maynila, at tig-apat na kaso naman mula sa Quezon City, Mandaluyong at Valenzuela.

Mayorya din sa mga biktima ay mga lalaki, habang ang edad naman ay mula 11-buwan hanggang 64 taong gulang.

Dagdag pa ni Duque, apat sa mga nadale ng paputok na kinabibilangan ng isang 12-taong gulang; isang 13-taong gulang; isang 29-taong gulang at isang 62-taong gulang ay kinailangang putulan ng bahagi ng katawan.

Nananatiling piccolo ang nangungunang sanhi ng pagkasugat na may 54 na kaso, ang boga ay nagdulot ng pagkasugat sa pitong tao, ang kwitis ay limang kaso at whistlebomb ay nakapagtala ng tatlo. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?