203

Dec 26, 2017 @ 14:33

Napuno na si Pulong sa mga isyu, kaya nag-resign – Duterte

Posibleng umanong napuno na si Davao City Vice Mayor Paolo “Pulong” Duterte sa mga isyung ibinabato laban sa kanya kaya nagbitiw ito sa puwesto, ayon sa ama nitong si Pangulong Rodrigo Duterte.

“Baka nasaktan din siya noong ‘yung mga insinuation about ‘yung sa… Napuno na siguro,” pahayag ng Pangulo sa panayam ng mga reporters matapos niyang bisitahin sa ospital ang pamilya ng mga biktima ng nasunog na NCCC Mall.

Ang tinutukoy na Pangulo ay ang pre-debut photoshoot ng anak ni Paolo na si Isabelle sa Malacañang na pinagpiyestahan ng kanilang mga kritiko.

Isa pa aniya dito ang pagpapatwag sa kanyang anak sa imbestigasyon ng Senado sa P6.4-billion shabu shipment at ang alegasyon ng korapsiyon sa Bureau of Customs kung saan isinasangkot ang bise alkalde ng Davao City.

Matatandaan nang idinawit ni Customs fixer na si Mark Taguba ang pangalan ni Paolo sa pagdinig ng Senado sa P6.4-billion shabu shipment mula sa China, gayundin ang son-in-law ng Pangulo na si Atty. Manases Carpio.

Isinabit naman ni Senador Antonio Trillanes IV sina Paolo at Carpio sa korapsiyon sa Bureau of the Customs at sinabing bahagi sila ng tinatawag na “Davao Group.”

Parehong itinanggi ni Paolo at Carpio ang alegasyong ibinabato laban sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?