166
janet-lim-napoles
Mar 20, 2018 @ 16:16
By

Napoles nag-alok ng ‘tell-all’ sa PDAF scam kapalit ng pagiging witness

Handang ibunyag ni pork barrel scam queen Janet Lim Napoles ang lahat ng nalalaman nito sa pork barrel scam kapalit ng pagtanggap sa kanya sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ).

Sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na ginawa ni Napoles ang alok dalawang buwan na ang nakaraan nang mag-usap sila, pero hindi idinetalye kung saan at kung magkaharap ba sila o sa pamamagitan ng telepono.

Gayunman, sinabi ng kalihim na hindi agad maaaring tanggapin bilang state witness si Napoles dahil may umiiral na proseso para dito.

Kailangan din aniyang marinig ang lahat ng mga isisiwalat ni Napoles sa pamamagitan ng kanyang affidavit at pag-aaralan ito ng DOJ para mabatid kung kuwalipikado ba itong maging state witness.

“Before we admit her, dapat ma-explain niya lahat. Lahat ng sasabihin ni Janet Napoles, lahat ng gagawin niyang affidavit will be assessed by the WPP and that is the only time when we are going to decide whether to accept her or not under the WPP,” ani Aguirre.

Sinabi pa ng kalihim na gusto ng abogado ni Napoles na si Atty. Stephen David, na awtomatikong tanggapin ang kanyang kliyente sa WPP kaya ito umapela kay Executive Secretary Salvador Medialdea at hiniling na baliktarin ang desisyon nito sa provisional custody, pero nabigo at hindi ito pinagbigyan.

Sa halip ay pinayuhan aniya siya ni Medialdea na maghain na lamang ng mosyon sa Sandiganbayan kung nais nitong igiit ang kagustuhan para sa kanyang kliyente.

Kasabay nito nilinaw ni Aguirre na hindi sila nakipag-meeting sa abogado ni Napoles at sa halip bigla aniyang dumating si Atty. David sa Malacañang para makipag-usap sa kanila ni Medialdea.

“Actually, hindi naman meeting ‘yun eh. Pumunta lang doon si Atty. David, nakikiusap kay ES na kung puwede ay baliktarin ang aking position, hindi naman pumayag si ES. Hindi meeting ‘yun eh, actually nakatindig lang kami. Meron kaming meeting na iba, but dumating itong si kuwan, ‘di naman alam na darating. Bigla na lang siyang dumating doon. Malimit naman siya sa Palasyo since the beginning,” dagdag pa ni Aguirre.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?