93
Abante-TnT--Napoles
Mar 17, 2018 @ 13:11
By

Napoles, ‘di pa pasok sa WPP – Palasyo

Nilinaw ng Malacañang na wala pa sa Witness Protection Program (WPP) ang tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na pinag-aaralan pa lamang kung uubrang makapasok si Napoles bilang state witness laban sa mga mambabatas na nakinabang sa pork barrel fund.

Pero binigyang-diin ni Roque na ang pagsasailalim sa provisional protective custody ng Department of Justice (DOJ) kay Napoles ay desisyon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre.

Hindi aniya pinanghihimasukan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga usapin sa DOJ.

“Ang pagkakaintindi ko, hindi pa po siya admitted sa WPP at pinag-aaralan pa po kung siya ay maa-admit diyan. At iyong desisyon ay iniiwan ng Palasyo hindi lang sa DOJ kung hindi iyong Panel of Prosecutor na sila po ang mag-aaral kung karapat-dapat o hindi,” ani Roque.

Sinabi pa ng kalihim na walang ibang hangad ang gobyerno kundi mapanagot ang lahat ng mga sangkot at nakinabang sa pork barrel scam.

Sinabi ni Roque na kumpiyansa ang Malacañang na gagawin ng prosecutors ang lahat para mapanagot ang mga mandarambong sa bayan.

Agad umani ng puna at batikos ang bagong kaganapan sa pork barrel scam queen na isailalim sa provisional protective custody ng DOJ.

Matatandaang naunang inihayag noon ng DOJ na hindi maaaring gawing state witness si Napoles dahil siya ang itinurong mastermind sa pork barrel scam at ang maaaring maging state witness lamang ay yaong mas maliit ang pagkakasangkot sa kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?