1,591

Oct 21, 2021 @ 16:07
By

Napikon kay Pacquiao! Matibag natibag sa budget hearing

Pinalayas si National Transmission Corporation president Melvin Matibag sa pagdinig ng Senado sa panukalang badyet ng Department of Energy (DOE) matapos akusahan si Senador Manny Pacquiao na ginagamit ang deliberasyon para sa kanyang political agenda.

Bago ito, nagprisinta si Pacquiao ng isang video na kumukuwestiyon sa pakikipag-ugnayan ng DOE sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP).

Sabi ni Pacquiao, binigyan ng DOE ang EIMOP ng kapangyarihan na maging independent electricity stock market operator bagama’t hindi nito naabot ang hinihinging requirement na itinakda ng Electric Power Industry Reform Act of 2001 bukod sa P7,000 lang paid-up capital ng kompanya.

Iniugnay din ni Pacquiao si Matibag sa isyu partikular ang kanyang asawang si Ma. Rene Ann Lourdes Matibag na incorporator ng EIMOP, gayundin ang fraternity brother ni Matibag na si Richard Nethercott na diumano’y tumatayong presidente at CEO ng EIMOP.

“Kailangan ko lang malaman anong meron ang EIMOP bakit kinuha ito e hindi ito pumapasa sa qualification ng EPIRA Law at ang EIMOP ang isa sa board ng IEMOP is ang asawa ni Atty. Matibag,” sabi ni Pacquiao.

Kinuwestiyon naman ni Matibag si Pacquiao kung bakit idinadawit siya sa isyu ng EIMOP, kasabay ng pagsabing ang TransCO ay hindi na konektado sa IEMOP matapos ang takeover ng Philippine Electricity Market Corporation (PEMC).

“Alam ninyo let’s call a spade a spade dito sa hearing na ito, this is all political, Senator Pacquiao. Alam naman natin na ito ang pinapasabi mo bago ka umalis e, nung umalis ka na sinasabi mong mayroon kang pasabog,” sabi ni Matibag.

“‘Wag tayong magmalinis dito,” dagdag pa nito.

Sa puntong iyon, sinita ni Sherwin Gatchalian na namuno sa pagdinig, si Matibag sa pagsasabing may halong politika ang nasabing pagdinig.

“You have no right of calling this a political hearing. You are out of order. You are no longer recognized,” sabi ni Gatchalian.

Tinanong naman ni Senador Aquilino Pimentel si Gatchalian kung ano ang gagawin ng komite kay Matibag matapos siyang ideklarang ‘out of order’.

“He should leave the hearing. We will remove him from the Webex list. I am directing the committee secretary to remove Atty. Matibag from the list in Webex. He is out of order,” sabi ni Gatchalian.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?