120

Nov 6, 2017 @ 14:55

Napagtripan ng lasing, 2 binatilyo kritikal

Nasa kritikal na kalagayan ngayon ang dalawang binatilyong magkaibigan matapos na parehong gulpihin at pagsasaksakin pa ng nasa apat na mga kalalakihan sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni PO1 April Lyn Bravo, ng Navotas City Police- Women and Children’s Protection Desk, ganap umanong alas-8:40 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Block 25, Phase 2, Area 1, Barangay North Bay Boulevard South ng nasabing lungsod.

Kagagaling lamang umano ng mga biktimang sina Robie Condino, 16-anyos at Anthony Enriquez, 14, kasama ang iba pa nilang kabarkada sa covered court sa nasabi ring lugar at naglalakad papunta sa bahay ng isa sa kanila nang bigla na lamang silang harangin ng apat na hindi pa nakikilalang mga suspek na ayon sa ibang nakasaksi ay tila mga nasa hustong gulang na umano at hindi nila taga-lugar.

Walang sabi-sabi na bigla na lamang na hinampas ng bote sa ulo ng isa sa mga ito si Enriquez na agad nitong ikinatumba, hindi pa nakuntento at kahit na nasa lapag na ay pinagsisipa pa umano ng mga suspek ang binatilyo saka sinaksak sa bandang tuhod nito.

Agad na sumaklolo si Condino ngunit siya naman ang napagbuntunan ng mga suspek at saka ginulpi at nang halos hindi na makatayo dahil sa pambubugbog sa kanya ng apat ay sinaksak pa siya ng ilang beses ng isa sa mga suspek saka nagsitakas.

Mabilis din namang nakahingi ng saklolo ang iba pang kasamahan ng mga binatilyong biktima at agad na naisugod sa Tondo Medical Center ang dalawa na pawang nasa kritikal na kondisyon ngayon.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagtugis sa mga salarin na ayon sa pulisya ay posible umanong mga lango sa alak at napagtripan ang mga biktima nang makasalubong ang mga ito. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?