107
sukli1
By

Nangupit ng sukli sa biniling alak, binata tinigbak

Sharing is caring!

Dahil lamang sa kulang na sukli sa biniling alak, tinarakan at napatay ang isang 23-anyos na binata ng service crew ng Chica’s Restaurant sa gitna ng masayang inuman sa tahanan ng huli sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktimang si Melvin Florentino Estose, 23-anyos, binata, walang trabaho at naninirahan sa No. 4 San Luis St., Brgy. Gulod, Novaliches, QC.

Agad namang tumakas ang suspek na nakilalang si Narciso Sotomayor Pepito Jr., 29-anyos, binata, service crew ng Chica’s Restaurant at residente ng No. 8 Nazario St., Brgy. Gulod, dala ang patalim na ginamit sa pananaksak.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Julius Raz, ng CIDU-QCPD, naganap ang pananaksak dakong alas- 11:15 ng gabi sa mismong tahanan ng suspek.

Batay sa pahayag ni Arnel Tuazon, nag-iinuman umano sila ng biktima at ng suspek sa loob ng bahay ng huli nang magtalo ang dalawa makaraang mabilang ni Pepito na kulang ang ibinigay sa kanyang sukli ni Estose na inutusan nito na bumili ng alak.

Sa gitna ng mainitang pagtatalo ay dinampot ng suspek ang patalim at sinaksak sa likuran ang biktima na tumayo pa at lalayasan na sana ang galit na galit na suspek.

Nang makita ni Tuazon na duguang bumagsak si Pepito ay agad itong sumaklolo at dinala sa Novaliches Hospital ang biktima subalit idineklara itong dead-on-arrival.

Pinaghahanap pa ng pulisya ang nakatakas na suspek upang panagutin sa krimeng nagawa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?