41

Jul 21, 2021 @ 15:41
By

Nangunguna sa survey ‘wag magyabang – Chiz

Hindi umano dapat magyabang ang mga nangunguna sa survey para sa susunod na eleksyon at sa halip magpatuloy sa kanilang trabaho dahil maari pa rin namang magbago ang resulta ng survey, ayon kay dating senador at ngayo’y Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero.

Ginawa ni Escudero ang pahayag nang tanungin kung may pag-asa ang tambalan nina Senador Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto sa darating na presidential at vice-presidential race.

“Anumang pinapakita ng survey ngayon, napakaaga pa. Sinuman ang nasa taas, wag magyabang, patuloy dapat na magtrabaho. Sinuman ang mababa, marami pang mangyayari,” pahayag ni Escudero sa isang forum sa Maynila.

Sa Pulse Asia survey na inilabas nitong buwang ito, nanguna si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa mga posibleng tumakbo sa pagka-pangulo habang ang ama nitong si Pangulong Rodrigo Duterte ay No. 1 din sa survey ng vice presidential candidate.

“Magbabago at magbabago yan. Dahil kung titingnan natin ang track record ng mga Pilipino kaugnay ng halalan, palaging seryoso nialng pinag-iisipan ang kanilang iboboto,” sabi pa ng dating senador.

Si Escudero ay isa mga magbabalik sa Senado ay miyembro ng National People’s Coalition (NPC), kung saan si Sotto ang chairman.

Ayon kay Escudero, ang mga survey bilang indicator ng resulta ng halalan ay magiging malinaw lang pagdating ng Enero at Pebrero.

“Ika nga, ang tingin ko sa survey, ang starting ng halalan ay ang survey results ng January at February, hindi ngayon,” sabi nito.

Noong Martes ng gabi, inihayag ni Lacson na tatakbo siya sa pagka-presidente kasama si Sotto na kanyang magiging vice president.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?