36

By

Nangholdap sa Fil-Chinese, arestado nang mahulog sa motorsiklo

Sharing is caring!

Kalaboso ang isa sa tatlong binatilyo na suspek sa panghoholdap sa isang 15-anyos na Filipino-Chinese high school student matapos na aksidenteng mahulog sa motorsiklong nagsilbing getaway vehicle nila ng kanyang mga kasama sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni SPO1 Romirosa Mallari, ng Malabon City Police-Women and Children’s Protection Desk (WCPD), alas-siyete ng gabi nang maganap ang insidente sa kanto ng Salmon St., at Dagat- Dagatan Avenue, Barangay Longos ng nasabing lungsod.

Naglalakad pauwi galing ng paaralan sa nasabing lugar ang biktimang hiniling ng mga magulang na itago ang pangalan, residente ng Aruana St., nang huminto sa harap niya ang isang motorsiklong sakay ang tatlong suspek na ang isa ay naaresto na si Benjamin Garnudo, 19, ng Block 43, Phase II-E.

Bumaba si Garnudo, hinawakan sa batok ang biktima kung saan sumunod ang kanyang mga kasama at sapilitang kinuha ang gamit ng estudyante kabilang na ang P5,250 na pambayad nito sa eskuwelahan.

Kasama ang kanyang ina ay dumulog ang biktima sa Malabon City Police Community Precinct 3 na nagsagawa ng checkpoint sa Lapu-Lapu Avenue at natiyempuhan ang mga suspek na agad humarurot ng pagpapatakbo sa motorsiklo.

Nawalan ng balanse si Garnudo at nahulog nang paliko sila sa Martiniko St. kaya’t naaresto habang nakatakas ang mga kasama niya. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?