191

Oct 28, 2017 @ 15:13

Nangholdap gamit ang toy gun, kelot tigok

Patay ang isang notoryus na holdaper matapos kumasa sa mga awtoridad gamit ang laruang baril sa Navotas City kamakalawa ng hapon.

Bunsod ito sa sumbong ng isang 17-anyos na dalagita na kanyang hinoldap gamit ang isang replica ng Beretta .9mm pistol.

Sa ulat ni PO2 Paul Roma, ng Navotas City Police, ganap umanong alas-4:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Baron St., Barangay North Bay Boulevard, ng nasabing lungsod.

Sakay umano ng isang pampasaherong jeep ang biktimang si Jemina Noble, 3rd year college student ng Governor Andres Pascual College at residente ng Gagalangin, Tondo, Manila, habang binabaybay ang kahabaan ng M. Naval St., nang sumakay ang suspek na si Neil Tacy, alyas Choco, 31, walang hanapbuhay.

Tinabihan umano nito sa loob ng jeep ang biktima saka tinutukan ng baril sa likuran at nagdeklara ng holdap. Sa takot ng biktima ay ibinigay nito sa suspek ang kanyang sling bag na naglalaman ng kanyang cellphone, pocket wifi, lens kit, make-up at perang nagkakahalaga ng mahigit sa P11,000.

Matapos makuha ang pakay ay agad bumaba ng jeep ang suspek habang mabilis namang humingi ng saklolo sa himpilan ng Navotas City Police Community Precinct 3 ang biktima na agad namang nagsagawa ng follow-up operation kung saan namataan ang suspek sa kalyeng malapit din lang sa tirahan nito.

Agad nila itong kinausap ngunit sa halip na sumuko ay binunot pa nito ang replikang baril na ginamit sa kanyang panghoholdap saka kunwaring babarilin si PO3 Miracle Young dahilan upang agad siyang paputukan ni PO1 Bien Mayor na tumama sa kanyang katawan.

Mabilis na isinugod sa Tondo Medical Center ang lalaki ngunit hindi na pinalad pang mabuhay.

Narekober sa suspek ang sling bag ng biktima na kumpleto pa rin naman ang mga laman at ang baril na ginamit nito sa panlalaban na napag-alaman ng pulisya na isa lang laruan. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?