123

Dec 21, 2017 @ 16:35
By

Nanggantso sa isang Pinoy sa Amerika dinakma ng NBI

Arestado sa entrapment operation ng mga ahente ng NBI- Anti-Fraud Division ang isang lalaki na nagawang makapangloko ng isang Pinoy na nakabase sa Amerika matapos itong mapaniwala sa isang dollar account na nakadeposito sa Thailand.

Kanina, nagkaharap sa NBI ang negosyanteng biktima na si Alejander Bugarin at ang suspek na si Tomas Necasio Nazareno.

Sa kuwento ng biktima, ipinakilala lamang sa kanya ng isang kaibigan ang suspek na umano’y mayroong 30-billion US dollars na nakadeposito at minamantine sa HSBC sa Thailand.

Ayon sa biktima, ipinaalam sa kanya ng isang Pastor Gavino Ronquillo ang tungkol sa naturang halaga ng assets sa bangko subalit pumanaw na umano ang tunay na may-ari nito kaya nailipat ang deposito sa pangalan ng suspek na si Nazareno.

Gayunman, walang pera si Nazareno para makapunta sa Thailand para iproseso ang withdrawal ng naturang bilyones.

Dito na na inalok ni Pastor Gavino ang biktima kung handa itong maging financier o investor sa halagang P2-million para sa travel expenses at logistical needs ni Nazareno.

Kapalit ng pagiging financier ng suspek ang kita o 1-porsiyentong interest sa deposito sa bangko o tinatayang 300 million dollars kada buwan.

Bukod sa tiwala na isang pastor ang nagpakilala sa kanya sa suspek, nakumbinsi ang biktima na maglagak ng pera dahil sa mga ipinakita nitong dokumento mula sa bangko.

Unang naglabas ang biktima ng USD7,000 at ipinadala sa suspek sa pamamagitan ng isang money remittance company hanggang sa humingi pa ng karagdagang pera ang suspek na umabot sa USD54,530 para naman umano sa pagpoproseso ng iba pang dokumento.

Pero sa kabila nito, hindi natanggap ng biktima ang memorandum mula sa depository bank at standby letter of credit na ipinangako ng suspek.

Kahapon, naaresto sa entrapment operation ang suspek matapos itong humingi pa ng karagdagang kalahating milyong piso.

Kinasuhan na ng estafa ang suspek sa Manila Prosecutor’s Office.

Sa kabila nito, walang interes ang biktima na kasuhan naman si Pastor Ronquillo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?