20
risa-hontiveros-kolumn
By

Nandito Na Ang Tulong: Pasado na ang Mental Health Law!

Sharing is caring!

Nitong Hunyo 20 ay napirmahan na ni President Rodrigo Duterte ang isang napakaimportanteng batas: Ang Republic Act 11036 o ang Mental Health Law. Isa itong panalo para sa bayan dahil sa wakas ay matutugunan na ng gobyerno ang mga pangangailan ng mga kababayan nating may mga mental health disorders. Nandito na ngayon ang karampatang tulong upang malunasan ang kanilang mga problema.

Matagal na panahon na natin itong ipinaglaban kasama ng mga advocates upang magkaroon ng sapat na tulong medikal ang mga taong may mental health disorders at mabigyan din ng karagdagang ayuda ang mga duktor at iba pang health professionals sa pagsagawa ng kanilang mga tungkulin.

Nais kong pasalamatan ang mga kasama natin sa Senado sa pangunguna ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa pagsuporta ng buong puso upang maipasa ang importanteng batas na ito. Si SP Sotto ang principal author ng Mental Health Law sa Senado at ako ang principal sponsor. Nais ko ring pasalamatan ang mga kapwa ko senador na kasama rin naming nag-akda ng batas na ito tulad nina Senators Loren Legarda, Sonny Trillanes, Bam Aquino, Sonny Angara at Joel Villanueva.

Sa pagpasa ng batas na ito, pwede ng magkaroon ng maayos at komprehensibong serbisyo mula sa level palang ng barangay pataas sa mga provincial, tertiary at regional na mga ospital na magbibigay ng psychiatric, psychosocial and neurologic services sa mga taong may mental disorders.

Magkakaroon na rin ng pamamagitan para sa mental health ng mga taong nalulong sa droga dahil ang drug addiction ay isang problemang pampublikong pangkalusugan. Dahil dito pwede ng magkaroon ng boluntaryong pag-confine sa mga pasyente kung saan bibigyan sila ng lunas at rehabilitasyon upang maging maayos na miyembro ng lipunan.

Dahil din ito, magkakaroon ng mga polisiyang pangkalusugan sa mga paaralan at mga lugar ng trabaho, kasama na rito ang pagbibigay ng importansiya sa mental health ng mga estudyante, guro at iba pang manggagawa.

Napakaimportante ng batas na ito dahil na rin ayon sa Department of Health, pitong Pilipino araw araw ang nagpapakamatay samantalang ang datos ng World Health Organization ay 11 na kaso ng pagpapakamatay sa Pilipinas kada araw. Nireport din ng Global School-Based Student Health Survey noong 2015 na umaabot sa 17 porsyento ng mga estudyanteng nasa high school sa ating bansa edad 13-15 ang nagtangka nang magpakamatay. Aabot sa 12 porsyento sa kanila ang seryosong kinokonsidera ang suicide habang ang 11 porsyento naman ay may balak na kung paano isasagawa ito.

Bilang isang magulang alam kong nakakabahala ito kaya’t tayo ay labis nagpapasalamat sapagkat ang tulong para maibsan ang mental health problem sa ating bansa ay narito na. Ginagawa na ng DOH ang Implementing Rules and Regulations ng batas na ito upang mapatupad na sa lalong madaling panahon.

Sa nalalapit na budget season sa dalawang kapulungan ng Kongreso, sisiguraduhin ko kasama ng aking mga kapwa-senador na mapopondohan ang batas na ito upang mapakinabangan ng ating mga kababayan.

*****

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?