11

Oct 2, 2020 @ 19:37
By

Nancy Binay pinagsabihan LTFRB sa kulang na datos

Nairita si Senadora Nancy Binay sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board dahil hindi nito ang alam ang bilang ng mga jeepney driver at operator na naapektuhan na rasyonalisasyon ng ruta para sa pampublikong sasakyan.

“Unacceptable na hindi ninyo alam kung ilan sa mga jeepney driver ang hindi na makakabalik,” sabi ni Binay kay LTFRB chief Martin Delgra sa pagdinig ng 2021 budget ng Department of Transportation.

“Hindi po ba dapat, Atty. Delgra, alam n’yo kung ilan ang mga kasamahan natin, ilang jeepney drivers na kababayan natin ang hindi na talaga makakabalik at makakapasada?” tanong pa nito.

Sinabi naman kay Delgra, 21,880 units ng mahigit 50,000 dyip sa Metro Manila ang pinayagan nang bumiyahe sapul nang paluwagin ang restriksyon, kasama na ang 900-plus na modern jeep.

“Paano po natin ngayon ipu-pursue ang modernization program kung hindi pa tapos itong route rationalization?” dagdag na tanong pa ni Binay.

Dahil walang rationalization plan ang LTFRB, ayon kay Binay, wala aniyang kasiguruhan kung paano mabubuhay ang mga kawawang jeepney driver.

“Bakit hanggang ngayon ang traditional jeepney natin hindi pa nakakalabas? It’s been almost 7 months, kawawa naman ang mga jeepney drivers natin. Iyong iba sa kanila nanlilimos na,” sabi ni Binay.

Ayon kay Binay, mahalaga aniyang malaman ang datos para magkabuo ang Senado ng panukala na makakatulong sa rasyonalisasyon para sa mga naapektuhan ng pandemya.

Inusisa din ni Binay ang DOTr tungkol sa kanilang plano para sa mga bus conductor na posibleng mawalan ng trabaho dahil sa pagggamit ng Beep card.

Pero iginiit naman ng DOTr na hindi naman matatanggal ang mga konduktor kahit na pinapatupad ng paggamit ng Beep card sa mga bus.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?