38

Jul 19, 2021 @ 22:13
By

‘Nanay Mameng’ pumanaw sa edad 93

Namayapa na ang kilalang lider ng urban poor group na Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na si Carmen “Nanay Mameng” Deunida sa edad na 93.

Sa Facebook post, pinapurihan ng Kadamay si “Nanay Mameng” bilang “dakilang lider-maralita” at “ina ng pakikibaka ng maralitang lungsod.”

Hindi binanggit ang sanhi ng ikinamatay niya.

Ayon sa Kadamay, nagsimulang maging aktibista si Deunida noong 1978 nang nasa ilalim pa ng Martial Law ang Pilipinas.

Nakilala siya sa kanyang pamumuno sa maralitang lungsod noong EDSA Dos.

Naging aktibo rin siya sa pakikibaka noong panunungkulan nina dating pangulong Gloria Arroyo at Noynoy Aquino.

“Kapansin-pansin ang husay ni Ka Mameng sa pagsasalita sa entablado. Sa simple at payak na lenggwahe, at lumalagablab na boses, nasapul niya ang paglalarawan sa krisis at pakikibaka ng maralitang lungsod,” sabi ng Kadamay.

“Walang duda, nayayanig ang mga mapagsamantala sa kanyang tinig. Walang duda, kapag si Nanay Mameng ang magsasalita, lahat ay makikinig. Ang kanyang mga sinasabi ay tila gabay at nagiging karaniwang nabibigkas ng mga aktibista’t organisador,” dagdag nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?