173

Dec 28, 2017 @ 18:21
By

Nananampal ng bawat makasalubong, kelot ginulpi ng taumbayan

Ginulpi ng taumbayan at dinampot na rin ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos na walang habas na pagsasampalin ang lahat ng kanyang nakasalubong na karamihan pa naman ay mga kababaihan sa Navotas City kahapon ng umaga.

Sa ulat ng Navotas City Police, alas-siyete ng umaga nangyari ang insidente sa Barangay San Jose, paikot-ikot umano ang suspek na wala sa katinuan nang maaresto at wala ring kahit anong bagay na pagkakakilanlan o identification cards ngunit ayon sa kanya ay taga-Antipolo siya.

Hinaharang umano niya ang bawat makasalubong na babae at sinasampal kabilang na ang isang empleyado ng Navotas City Hall na hiniling na huwag na siyang pangalanan kasama ang mister nito.

Uminit ang ulo ng mister nang sampalin ang kanyang asawa kaya’t sinapak nito ang lalaki na mabilis namang nakikuyog at nakibugbog ang iba pang residente sa lugar.

Dahil dito ay nawalan ng malay ang suspek at idiniretso sa pulisya.

Kasalukuyang isasailalim sa alcohol at drug tests ang suspek upang malaman kung sabog ba ito sa ipinagbabawal na gamot o alak, o nagbabaliw-baliwan lang upang makalusot sa kanyang ginawa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?