52

Apr 21, 2021 @ 20:21
By

Namimigay ng Ivermectin sa QC ‘dinalaw’ ng pulis

Isang residente ng Quezon City na namimigay ng human grade Ivermectin ang “dinalaw” ng pulisya.

Dahil sa takot, ayon kay Anakalusugan Rep. Michael Defensor, umalis muna sa Quezon City ang residente na isang dating kapitan ng barangay.

“Pinuntahan nga itong tao and tinatanong sa kanya kung kanino siya nagbigay ng Ivermectin, number one. Number two, tinatanong sa kanya kung may mga adverse incident about the Ivermectin distribution. And then nung huli, pinapapirma siya ng isang statement, which he declined to do. Hindi niya po pinayagan yung pagpirma ng statement,” ani Defensor.

Nakilala ang dumalaw na opisyal na nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group subalit hindi muna ito pinangalanan ni Defensor habang pinag-aaralan kung ano ang kanilang magiging sunod na hakbang.

“Pag-uusapan pa namin kung ano yung action na iti-take regarding this, dahil talagang napakahirap. Sa gitna ng problema… ito naman hindi naman namin ibinebenta, binibigay namin, para bang iniipit pa,” wika pa ni Defensor.

Handa umano si Defensor na harapin ang mga legal na aksyon laban sa kanya dahil sa pamimigay ng Ivermectin.

“To be clear about it, I know na darating itong panahon na ito and iipitin nila, and I’ve been ready for that and because of that, talagang sinundan ko pa rin lahat nung legal procedures nila. Pero beside, despite of it, talagang ginigipit nila yung mga tao,” dagdag pa ng solon.

Naniniwala si Defensor na nakakatulong ang Ivermectin sa mga pasyenteng may COVID-19 at may mga nagpapatotoo umano sa kanya ng bisa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?