262

Jun 27, 2018 @ 22:04
By

Namatay sa leptospirosis umabot na sa 93 – DOH

Umakyat na sa 93 katao ang bilang ng mga namatay dahil sa leptospirosis na naitala ng Department of Health (DOH) mula Enero hanggang nitong Hunyo 9.

Hindi pa kasama sa bilang na ito ang anim na pasyenteng nasawi dahil sa sakit sa National Kidney Transplant Institute (NKTI) sa loob lamang ng linggong ito.

Ayon pa sa DOH, mula Enero 1 hanggang Hunyo 9 ng taong ito, umaabot na sa kabuuang 1,030 ang kaso ng leptospirosis na kanilang naitala.

Karamihan sa mga nadale ng sakit o 872 sa kanila ay pawang mga lalaki at karamihan din ay galing sa Western Visayas, Caraga at Davao Region.

Kaugnay nito, pinayuhan ng DOH ang publiko, partikular na ang mga lumusong sa baha na maging alerto sa mga sintomas ng sakit.

Kung nakaramdam na umano ng sintomas na gaya ng trangkaso ang isang lumusong sa baha, mainam umano na agad nang kumunsulta sa doktor para maiwasan ang kumplikasyon at para agad na magamot ang sakit na nakukuha mula sa baha.

“We can prevent complications of leptospirosis when its flu-like symptoms are recognized early and treated immediately. My advice to those who had to wade in the flood these past few days is to be alert for any symptom and to seek early consultation,” saad ni Duque.

Ang leptospirosis ay isang uri ng bacterial infection na sanhi ng Leptospira spirochetes bacteria na mula sa ihi ng apektadong hayop gaya ng daga.

Nasasalin ang bacteria sa tao sa pamamagitan ng paglusong sa baha o pagkain o pag-inom ng tubig na kontaminado ng bacteria.

Paliwanag pa ng DOH, pito hanggang sampung araw ang incubation period ng bacteria at pagkatapos pa lamang nito lilitaw ang sintomas gaya ng mataas na lagnat, pananakit ng kalamnan, pamumula ng mata, panginginig, matinding sakit ng ulo, pagsusuka, diarrhea o paninilaw ng balat.

Dagdag pa ng DOH, kung hindi gagamutin ay maaaring magdulot ang leptospirosis ng kidney failure, brain damage, massive inernal bleeding at pagkamatay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?