217

Sep 26, 2019 @ 17:28
By

Namatay na kadete, kinuryente sa ari

Dalawa pang kadete ng Philippine Military Academy (PMA) ang idinagdag na suspek sa pagkamatay ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio na direkta umanong nagpahirap sa biktima.

Isinuko naman ang taser flashlight na ginamit umano para kuryentehin ang ari ni Dormitorio.

Ito ang sinabi ni Baguio City Police Director Police Col. Allen Rae Co, sa pagpapatuloy ng imbestigasyon hinggil sa tunay na pagkamatay ni Dormitorio.

Subalit hindi muna pinangalanan ni Co ang dalawang kadete na sinasabi nitong pawang 3rd class cadet ng PMA.

Sa ngayon ay lima na ang kadeteng suspek na direktang may partisipasyon sa pagpapahirap kay Dormitorio na pinatalsik na sa PMA habang inihahanda ang kasong kriminal laban sa mga ito.

Matatandaang nasawi si Dormitorio noong Setyembre 18 matapos dalhin sa PMA hospital dahil sa pananakit ng tiyan at walang tigil na pagsusuka.

Nauna nang sinabi noong Miyerkoles ni Co na ang dahilan ng pagpapahirap kay Dormitorio ay dahil sa nawawalang military boots na ipinatago sa kanya ng isang upper classman.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?