91

Jan 1, 2018 @ 14:18
By

Namaril sa pagsalubong sa 2018, mananagot – NCRPO chief

“Mananagot sila sa batas at sa kanilang mga biktima!”

Ito ang deklarasyon ni National Capital Region Police Office Director Oscar Albayalde ukol sa mga pulis at sibilyan na namaril nitong pagsalubong sa bagong taon.

Tiniyak ni Albayalde na magiging mabilis ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.

Hawak nito ng ulat ukol sa sundalong nasa aktibong serbisyo at isang retiradong sundalo na namaril sa Taguig City.

Nadakip ng mga operatiba ng Taguig Police sina SSgt. Jamael Mindalano, retirado mula sa Philippine Army (PA) at Cpl. Richard John Quijan, aktibong kasapi ng Special Operations Command ng PA Light Reaction Company.

Nagpaputok umano ang mga ito ng baril kaya isinuplong ng isang kapitbahay na nadaplisan sa tiyan ng bullet shrapnel.

Iniulat din kay Albayalde ang pagkakadakip ng Caloocan Police sa nakilala sa pangalang Isagani Avendano Ancheta, 38-anyos, residente ng Block 11 Brgy. 35 Sawata Maypajo, Caloocan City.

Matapos naman ang pagsaluong sa bagong taon, 12:10 am, nilusob umano ng lasing na si Ancheta ang isang Gil Calupaz, 27 anyos na nakikipag-inuman sa mga kaibigan matapos ng mga putuhabang nasa kanilang bahay sa Maypajo, Caloocan City.

Nagpambuno ang dalawa hanggang bumunot ng baril si Ancheta.

Nabaril nito si Calupaz at mga batang bisita na sina Joven Earl Gaces, 10 taong gulang, at Princess Denise Cruzat, 10-taong gulang.

Ginagamot ngayon sina Calupaz at Gaces sa Jose Reyes Memorial Medical Center habang nasa Tondo General Hospital si Cruzat.

Kalaboso naman si Ancheta sa Caloocan police station. Nakumpiska rito ang ginamit sa pamamaril na Glock 17 cal 9mm na may binurang serial number. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?