49

Dec 4, 2020 @ 16:48
By

Naloko tayo! Biniling unan puno ng face mask

Imbes na bulak o foam, ang laman ng biniling unan ng mga residente ng Barangay Uno sa Carmona, Cavite ay mga face mask.

Sa Facebook video, pinakita ni Nolan Lodor ang laman ng dalawang unan na binili nila sa naglalakong mga bata sa halagang P50 kada isa.

Aniya, sobrang kapal kasi ng unan at mainit sa pakiramdam kaya gusto sanang bawasan ang laman. Pero nagulat na lang siya at kanyang pamilya nang makita ang nasa loob.

May pangatlo pang unan na nakuhaan mismo sa video ang pagbukas at nakita na ang nasa loob din ay puro face mask.

“Maramin nabentahan dito sa lugar namin. Kami pa lang ang nakakatuklas,” wika pa ni Lodor, Nobyembre 26. “Ano pala ‘to, e, peke e… Naloko tayo.”

“Makikita natin dito sa loob ngayon, hindi po siya foam. Sa loob, ang mas nakakagulat, puro face mask, ang dami, ang laman. Kaya huwag po kayong basta-basta bibili sa mga naglalako. Hindi po siya safe,” aniya pa sa hiwalay na video. “Mga gamit na siguro ‘to. Gamit na ‘to.”

Bukod kay Lodor ay napaulat ding nakabili ng nasabing unan ang kapitbahay niyang si Joan Casukay.

Kinolekta na ng Carmona Municipal Health Office ang mga unan para malaman kung nagamit na ba ang mga face mask.

Posible umanong makasuhan ang mga manininda dahil sa paglabag sa Sanitation Code of the Philippines.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?