39
deped-laptop
By

Nakaw na DepEd laptop, binebenta sa Robinsons

Sharing is caring!

Nabawi ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang umano’y ninakaw na ‘laptop’ na pag-aari ng Department of Education (DepEd) at inaresto ang dalawang sales ladies na nagbebenta nito sa Robinsons Place sa Quezon City.

Iniharap sa mga mamamahayag ni QCPD Director, Police Chief Superintendent Joselito T Esquivel Jr., ang dalawang sales ladies na sina Salvacion Marco, 27-anyos, dalaga, at Jellyn Gabito, 30-anyos, dalaga, kapwa residente ng Brgy., Tacay, Buenavista, Caloocan City. Sila ay nahaharap sa kasong Anti-fencing Law.

Una dito ay tatlong empleyado ng DepEd na nakatalaga sa main office sa Pasig City ang nagreklamo sa District Special Operations Unit (DSOU), na nakita umano nila sa online media ang ninakaw na Coby laptop at ibinebenta sa halagang P11,000 ng mga suspek gayung ang original price nito ay P39,976.95.

Sa ginawang beripikasyon ng mga awtoridad, nakumpirmang ang laptop na ibinebenta ay pag-aari ng DepEd dahil sa logo, at napaulat na ninakaw sa isang guro sa Tabuk, Kalinga noong August 02, 2018.

Nagsagawa ng entrapment operation ang pinagsanib na operatiba ng DSOU sa pangunguna ni P/Supt Gil Torralba at Fairview Police Station (PS 5) na pinamumunuan ni P/Supt Benjamin Gabriel Jr.

Isang empleyado ng DepEd ang nagpanggap na ‘buyer’ at nakipag-transaksiyon sa mga suspek na magkita sila sa hallway ng Digi World.

Nang magkita ang buyer at mga suspek ay nagtungo sila sa Handrell Store na nasa ikalawang palapag ng Robinsons Place sa Novaliches, at doon ay nakitang naka-dsiplay ang nakaw na laptop.

Sa gitna ng transaksiyon, iprinisinta ni Gabito ang kulay asul na Coby laptop sa poseur buyer.

Nang buksan ng buyer ang laptop ay lumitaw doon ang DepEd Logo kaya nakumpirmang pag-aari ito ng DepEd na kanilang iniisyu sa mga paaralan.

Kaugnay nito, pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang iba pang mga suspek na nakilalang sina alias Ganda/Dan, store supplier, Alberto Galcim, store owner, at Angelo Rabe na sinasabing nag-post ng laptop sa online.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?