90

Dec 24, 2017 @ 14:24
By

Nakatenggang bills sa kalamidad, i-certify as urgent – Iligan solon

Para mapabilis ang pagsasabatas ng mga panukala na may kinalaman sa natural disasters, hiniling ni Iligan City Rep. Frederick Siao na i-certify as urgent ang mga nakatenggang bills sa Kongreso ukol sa disaster risk reduction and management.

Hinimok ni Siao ang mga opisyal ng Department of Budget and Management at National Economic Development Authority na irekumenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na madaliin ang pagsasabatas ng DRRM bills.

“Mabagal ang normal na proseso, pero kung ma-certify as urgent ni President Duterte ang mga bill, kayang ipasa ang amendments sa DRRM Act of 2010 bago matapos ang kasalukuyang sesyon sa Mayo 2018,” ani Siao.

Magugunitang dati nang hiniling ni NEDA chief Ernesto Pernia sa Kongreso na bilisan ang pagrepaso sa DRRM Act of 2010, pero hanggang sa ngayon ay wala pa ring nangyayari.

Iminungkahi naman ni Siao na gumawa ang DBM at NDRRMC ng isang capacity building program para sa mga coastal at river basin na LGUs lalo na iyong mga 4th, 5th, at 6th class municipalities.

“Kulang sa plantilla positions, mga technical expert, at disaster preparedness programs ang mga pinakamahihirap na bayan dahil kapos sila sa pondo. Masosolusyunan ito ng capacity building program na dinisenyo para sa mga high-risk LGUs,” dagdag ni Siao.

Hinikayat rin ng konresista ang mga kapwa-mambabatas lalo na sa Mindanao na magkaisa sa panawagan para maisabatas ang isang DRRM bill kasunod nang pananalasa ng bagyong Vinta sa kanilang rehiyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?