68

Oct 25, 2017 @ 17:32

Nakatambak na wheelchair sa Philpost, ide-deliver na – DOH

Nagbigay na ng paglilinaw ang Department of Health (DOH) kaugnay sa mga wheelchair na diumano’y itinambak ng kagawaran sa warehouse ng Philippine Postal Corporation sa Quezon City.

Isang pahayag, iginiit ng DOH na ang mga nasabing mga wheelchair ay ang nalalabing mga unit na nakatakdang ihatid sa iba’t ibang mga health facility sa Virac, Catanduanes at sa Masbate.

Walumpu’t walo sa mga wheelchair ay dadalhin umano sa Virac, habang ang 312 units ay para sa Masbate.

Natagalan umano ang delivery ng mga wheelchair dahil nakiusap mismo ang Provincial Health Offices ng dalawang lugar na pansamantala munang ilagay ang kustodiya sa mga wheelchair sa warehouse ng Post Office dahil limitado lamang ang espasyo sa kanilang tanggapan.

“The DOH is due to deliver these wheelchairs, 88 units for Virac, Catanduanes and 312 units for Masbate, on October 25. Their Provincial Health Offices cited their limited storage space and requested for temporary holding at the post office, thus delaying the delivery of the courier service providers hired by DOH,” ang bahagi ng pahayag ng DOH.

Idinagdag pa ng DOH na batay sa ulat ng Philpost, ang mga napaulat na sira o napinsalang wheelchair ay hindi naman talaga nasira kundi naalis lamang mula sa pinaglalagyang kahon.

“A report from the Philpost said that the reported damaged wheelchairs were not actually damaged but was removed from their boxes when they were soaked due to the leakage from their ceiling. All of them were already transferred to another location for cleaning before delivery,” paliwanag pa ng DOH.

Tiniyak din ng DOH na gagawin nila ang lahat para masiguro na hindi nasasayang ang buwis ng taong bayan. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?