59

Feb 8, 2020 @ 18:48
By

Nakarating na sa Mindanao! Mga LGU, ahensiya kinalampag ni Duterte sa ASF

Kinalampag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan at local government unit (LGU) para mahigpit na ipatupad ang national zoning and movement plan ng Department of Agriculture para makontrol at mapigilan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.

Kasunod na rin ito ng nakarating na ulat sa Pangulo na nakaabot na sa Mindanao ang sakit na umaatake sa mga alagang baboy.

Batay sa Administrative Order (AO) No. 22 na pinirmahan ng Pangulo noong Pebrero 5, 2020, inaatasan nito ang lahat ng ahensiya ng gobyerno at mga lokal na opisyal na ipatupad ang zoning plan sa buong bansa.

Ayon pa sa AO 22 , ang ASF ay matinding virus na mabilis kumalat sa mga alagang baboy at bagama’t walang epekto ito sa tao, wala pang natutuklasang gamot para rito.

Mahigit 20 milyong mga alagang baboy ang naapektuhan na ng ASF sa Asya simula noong 2018 na nagdulot ng malaking pagkalugi sa hog industry sa mga apektadong bansa kabilang na ang Pilipinas.

Ang direktiba ni Pangulong Duterte ay epekto kaaagad para mapigilan ang mas lalo lang pagkalat ng ASF sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Binigyang-diin ng Malacañang na kailangang magpatupad ng regulasyon ang LGUs sa meat inspection, meat transport at iba pang mga hakbang para matiyak ang kaligtasan ng publiko laban sa ASF.

Matatandaang unang nakita ang ASF sa mga alagang baboy sa lalawigan ng Rizal , Bulacan at ilang bayan sa Metro Manila at ngayon ay nakarating na sa Mindanao region.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?