178

Dec 12, 2017 @ 16:23
By

Nakapatay sa 30 aso sa Marikina, makukulong ng 90 taon – Kiko

Sinabi ni Sen. Kiko Pangilinan na dapat managot ang responsable sa sinapit ng 30 na aso na namatay dahil isinakay sa isang closed van.

Tinutukoy ni Pangilinan ang 30 na aso na ibiniyahe mula sa Novaliches, Quezon City nu’ng Disyembre 2 patungo sa Beagle Fanciers Club Dog show sa Marikina.

Nangamatay ang mga aso dahil sa severe dehydration at heat stroke dahil ibiniyahe sa isang closed van na walang aircon.

Ayon kay Pangilinan, nilabag dito ang Animal Welfare Act kung saan nakasaad sa Sections 3 at 4 na mananagot ang responsable sa pagkasawi ng mga hayop kapag ito’y dahil sa kapabayaan. May parusa itong tatlong taong pagkakabilanggo.

Sa Section 9 ng batas, nakasaad na maaaring makulong ng hanggang tatlong taon at pagmumultahin ang responsable. Sa bawat kaso, maaaring pagmultahin ng P250,000.

Kung 30 na aso ang nasawi sa insidente, tatlumpung bilang ito ng kaso kaya sa kabuuan, maaaring makulong ng 90 na taon.

Aabot naman sa P7 milyon ang multa.

Diin ni Pangilinan, hindi dapat minamaltrato ang mga aso at iba pang hayop.

Aniya, kung paano tratuhin ang mga hayop, doon makikita ang kakayanan ng tao na magmalasakit, maging disente at makatao. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?