35

Oct 25, 2017 @ 15:42

Nakanselang working visit ni Duterte sa Japan, tuloy na

Biyaheng Japan si Pangulong Rodrigo Duterte sa Oktubre 29-31 para sa working visit na naunang nakansela noong buwan ng Hunyo.

Sa ipinalabas na pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Malacañang, layon ng biyahe ng Pangulo na lalo pang mapaigting ang relasyong bilateral ng Pilipinas at Japan.

Inaasahang mapag-uusapan nina Pangulong Duterte at Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang mga usaping may kinalaman sa kapwa interes ng dalawang bansa, kasama na rin ang isyu sa ekonomiya, usaping pang-industriya, seguridad at mga bagong kaganapan sa rehiyong Asya partikular ang tensiyon sa Korean Peninsula.

“The President will discuss with Japanese Prime Minister Shinzo Abe matters of mutual interest to both countries. He is also scheduled to meet other high-ranking Japanese government officials and influential captains of industry,” ang bahagi ng pahayag ng DFA.

Si Pangulong Duterte ang magiging kauna-unahang head of state na makikipagkita kay PM Abe matapos ang “landslide victory” ng kanyang partidong Liberal Democratic Party sa katatapos na eleksiyon sa Japan.

Matatandaang nakansela ang biyahe ng Presidente noonmg Hunyo dahil nasa kasagsagan noon ng krisis sa Marawi City. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?