1,541

Dec 28, 2017 @ 13:30
By

Nakakuha ng ‘faceless’ P100 bills hindi makontak ng BSP

Nahihirapan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa pag-iimbestiga sa sumulpot umanong ‘faceless’ P100 bills o perang papel na P100 na walang mukha ni dating Pangulong Manuel Roxas.

Ayon kay Carlyn Pangilinan, managing director ng currency management sub-sector ng BSP, hindi pa nila makontak ang diumano ay nakakuha ng kontrobersiyal na P100.

Natukoy na iyon sa pangalang Earla Anne Yehey batay sa Facebook account kung saan ito nagpakita ng litrato ng P100 na walang mukha ni Roxas.

Na-withdraw niya umano ito sa ATM ng Bank of the Philippine Islands (BPI).

“Tinatawagan po namin sila kasi nakita na po namin kung ano po ‘yung pangalan, ngunit hindi po siya sumasagot sa aming tawag,” pahayag ni Pangilinan sa panayam ng Super Radyo DZBB.

Ayon kay Pangilinan, kailangang makita at masuri ng BSP kung tunay ang perang hawak ni Yehey.

Kapag tunay iyong salapi at talagang nanggaling sa BSP, papalitan iyon ng katumbas na halaga.

Nakipag-ugnayan na sila sa BPI pero hindi pa rin nahahanap si Yehey.

“Diyan sa P100, nakipag-coordinate na kami sa BPI kasi kailangang makita namin ang pera nang harapan dahil ‘yun ang paraan para maimbestigahan kung authentic o kung nagkaproblema sa aming production. Investigation po,” pahayag ni Pangilinan.

“Nagko-coordinate kami. Kapag natapos ang imbestigasyon ipapaliwanag po namin ‘yan,” dagdag nito.

Ito umano ang unang insidente na walang mukha ang perang papel na inisyu ng BSP kung totoo ang salapi.

Ipinapayo naman ni Pangilinan sa publiko na agad makipag-ugnayan sa BSP o dumulog sa bangko kapag may nakuhang pera na kakaiba.

“Ang pakiusap lang namin sa mga tao kung sila’y may makuhang ganyan dalhin agad sa BSP para agad ang imbestigasyon at kung mapatunayan na totoo ang pera papalitan namin agad. Ngayon kung sasabihin nila na malayo ang BSP, puwedeng i-surrender sa bangko,” sabi ni Pangilinan.

Matatandaan na noong 2005, nagkamali rin ang imprenta ng 80 milyong kopya ng P100 kung saan ang pangalan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay naging Gloria Macapagal Arrovo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?