72
magdalo-gary-alejano
Dec 12, 2017 @ 14:28

Nakakaligtaan ang sikmura

Tungkulin ng gobyerno na tiyakin na may makakain ang bawat pa­milya sa murang halaga at iangat ang buhay ng mga tao lalo pa at isa ito sa napakaraming pangako ni Pangulong Duterte noong nakaraang eleksyon.

Subalit, nakakawalang-gana ang palusot ng Malacañang na umano’y mas mababa pa rin ang bilang ng mga pamilyang nagugutom at naghihirap kumpara noong nakaraang admi­nistrasyon.

Hindi biro ang luma­bas sa survey na tinata­yang aabot sa 2.7 milyong pamilya ang nakararanas ng gutom sa ikatlong baha­gi ng taong kasalukuyan.

Kung ang bawat pa­milyang ito ay mayroong 5 miyembro, nangangahulugan na 13.5 mil­yong katao ang nakararanas magutom.

Lumabas din sa survey ng Social Weather Station na umaabot sa 10.9 mil­yong pamilya ang nagsasabing mahirap sila.

Ito ay mas mataas sa 10.1 milli­on na nairekord noong Hunyo 2017.

Gusto pang lumu­sot ng administrasyong Duterte sa pagsasabing mas mababa pa rin ang hunger perception nga­yon kumpara sa nakaraang administrasyon.

Nangangahulugan ba ito na kontento na sila dahil mas konti ang mahirap at nagugutom ngayon kumpara sa pinalitan nilang gobyerno at dapat pa nating ipagpasalamat?

Mas mababa man o mas mataas kumpara sa kasalukuyang administrasyon, hindi nabubura ang katotohanan na marami pa rin ang nagugutom at naghihirap.

Isa’t kahalating ­taon na ang administrasyong Duterte pero marami pa rin ang nagugutom at naghihirap nating kababayan.

Ito ay maa­aring indikasyon na hindi inuuna o lubos na napagtutuunan ng atensyon ang mga napakaimportanteng isyung ito mula nang magsimula ang kanilang termino.

Masyadong buhos ang atensyon na ibinigay nila sa giyera kontra iligal na droga kaya nakakalig­taan ang iba pa ding mahahalagang isyu lalo na ang sikmura ng ating mga kababayan.

Siguradong mababawasan ang insidente ng mga krimen tulad ng pagtutulak ng iligal na droga kung tutuldukan ang kahirapan tulad ng ipina­ngako ni Pangulong Duterte noong tumatakbo pa ­lamang siya.

Kaso, ang mga mahihirap na sangkot diumano sa iligal na droga ang pinapatay habang nakakaligtaan ang sikmura ng mamamayan na siyang nagtutulak sa isang tao na kumapit sa patalim.

Tunay na maraming problemang kinakaharap ang ating bansa.

Ngunit, hindi rin naman pupwede na lagi na lamang ito ang palusot.

Dapat na alamin at liwanagin ng kasuluku­yang administrasyon ang mga prayoridad nito.

Nara­rapat lang na unahin ang mga isyung may direktang tama sa mga mamamayan na nakakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

***

Makipagtalakayan kasama ko sa:

E-mail: rep.alejano.magdalo@gmail.com
Facebook: /Rep.AlejanoMagdalo
Twitter: @AlejanoGary

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?