76

Oct 9, 2017 @ 16:21

Nairita sa lasing, negosyante nanaksak

Kulong ang isang negosyante matapos tadtarin ng saksak ang isang lalaki makaraang mairita ito sa lasing na nagwawala sa kalsada at makitang hampasin ang kanyang motorsiklo noong Linggo ng gabi sa Marikina City.

Nakilala ang suspek na si Rey Alvin Dela Cruz y De Jesus, 39-anyos, negosyante at residente ng Apitong St., Marikina Cty.

Kritikal naman sa Amang Rodriguez Memorial Center (ARMC) ang biktima na si Joselito Tablizo y Dimaya, 35, ng Diamond Lot 2, Apitong St., Marikina Heights, Marikina City matapos magtamo ng ilang tama ng saksak sa ibat ibang parte ng katawan.

Batay sa report, naganap ang insidente bandang alas- 10:00 Linggo ng gabi sa kahabaan ng Apitong St., Marikina Heights, na kung saan ay lasing ang biktima at nagwawala na ito sa kalsada at naghahamon ng away.

Naiirita na umano ng suspek sa pagsisigaw ng biktima hanggang sa makita nito na hinampas ang kanyang motorsiklo kaya lalong nagalit ang suspek at agad na kumuha ng patalim at inundayan ng maraming saksak ang biktima.

Hindi na nagawang tumakbo ng suspek dahil agad na nagresponde ang mga barangay tanod habang mabilis na dinala sa nasabing pagamutan ang biktima. (Vicky Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?