312

Jul 5, 2022 @ 15:38
By

NAIA gustong ipangalan kay Marcos Sr

Naghain ng panukala ang isang solon upang palitan ng pangalan ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at gawin itong Ferdinand E. Marcos International Airport.

Sa kanyang House Bill 610, sinabi ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves na mas angkop kung ipapangalan ang airport kay Marcos Sr. na siyang tumulong at nagtaguyod ng pagtatayo nito.

Ayon kay Teves, ang airport ay ginawa noong panahon ng panunungkulan ni Marcos Sr.

Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Cory Aquino ay pinalitan ang pangalang Manila International Airport (MIA) ng NAIA o sunod sa pangalan ng kanyang mister na si Ninoy Aquino na pinaslang sa naturang airport.

“It is more appropriate that it would bear the name of the person who has contributed and left a legacy that makes the Philippines a center of international and domestic air travel, who has instituted and built or conceptualized the project making it the pride of our country,” paliwanag ni Teves.

Ang panukala ni Teves ay kanyang inihain noong Hunyo 30, ang unang araw ng 19th Congress.

Noong 18th Congress ay pinuri ni Teves si Marcos Sr. at sinabi na ito ay isa sa pinakamagaling kung hindi ang pinakamagaling na pangulo ng bansa.

Naniniwala rin si Teves na mapapantayan kung hindi man ay malalagpasan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang nagawa ng kanyang ama.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?