Nagbukas na ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) alas-sais ng gabi nitong Martes, Disyembre 3.
Ayon kay Ed Monreal, Manila International Airport Authority general manager, para lamang ito sa mga recovery flight o mga local carrier na lalapag sa NAIA.
Pero aniya, alas-11:00 mamayang gabi ay papayagan na ang lahat ng scheduled flights.
Inabisuhan nito ang mga pasahero na kontakin ang kani-kanilang airlines para makumpirma ang status ng kanilang mga flight bago magtungo sa NAIA.
Ani Monreal, maaari nang bumalik ang mga eroplano ng Philippine Airlines, Cebu Pacific at AirAsia ng 6 p.m. hanggang 11 p.m. para makapag-resume na ng normal operations.
Samantala, papayagan na rin ang mga eroplano mula sa mga foreign carrier mula 1:30 a.m. hanggang 3:30 a.m. sa Miyerkoles, Disyembre 4.
Una nang isinara ang NAIA dahil sa banta ng bagyong Tisoy.