108

Nov 29, 2017 @ 20:15
By

Nahuling mangingisdang Vietnamese, pinauwi ni Duterte

Humingi ng sorry si Pangulong Rodrigo Duterte sa Vietnamese government dahil sa pagkamatay ng dalawang mangingisda at pagkaaresto ng limang iba pa.

Ginawa ito ng Pangulo sa send-off ceremony ng limang mangingisdang Vietnamese sa Port of Sual, Pangasinan na nahuling illegal na nangingisda sa karagatan ng Pilipinas.

“I would like to address our Vietnamese friends that we are one, we are Asians. I’m sorry for the incident. I hope it would never happen again. But this incidence will not destroy our bond of relationship…very strong,” ang pahayag ng Pangulo.

Ang limang dayuhang mangingisda ay nahuli ng mga operatiba ng Philippine Navy noong September 23,2017 sa karagatang bahagi ng Bolinao, Pangasinan.

Ang pagpapauwi sa limang mangingisdang Vietnamese ay bilang pagtupad sa pangako ng Pangulo nang bumisita ito sa Vietnam.

Bago tuluyang naglayag ang mga mangingisdang Vietnamese ay binigyan sila ng Pangulo ng token kasama na rito ang food packs, pagkaing de lata, bigas, bottled water at hygene kits na tatagal sa buong panahon ng kanilang biyahe pauwi sa Vietnam.

Sinabi naman ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi talaga dapat na ikinukulong ang mga mangingisda dahil sa illegal fishing alinsunod sa nakapaloob sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS bagkus ay kinukuha lamang ang kanilang bangka.

Matatandaang noong nakalipas na taon ay 17 mangingisdang vietnamese din ang pinabalik sa Vietnam matapos illegal na nangingisda aa karagatan ng Pilipinas. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?