209

Jan 12, 2022 @ 16:07
By

Nahawa ng COVID sa QC lumobo sa 200K

Ang Quezon City ang nangungunang lugar sa bansa pagdating sa pinakamaraming nahawa ng COVID-19.

Batay sa datos ng Department of Health’s COVID-19 Tracker, sinabi ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na lumagpas na ang Quezon City sa 200,000 mark.

“We are alarmed over the fresh surge of new infections in the city, and the local government’s apparent weak and slow response to the public health emergency,” sabi ni Defensor na tumatakbong mayor sa QC.

Ayon sa COVID-19 Tracker nadagdagan ng 22,214 ang bilang ng COVID-19 cases sa QC mula Enero 5-11 o mula 180,400 ay naging 202,614.

“There’s no question the Quezon City government, which has a lot of financial resources at its disposal, can do more to suppress new infections,” sabi pa ni Defensor.

Sinabi ni Defensor na sa dami ng pondo ng Quezon City ay maaari nitong palawakin ang libreng RT-PCR test upang mahanap ang mga nahawa at maiwasan na makapanghawa pa ang mga ito.

Maaari rin umanong kumuha ang lungsod ng mga contact tracers para mahanap ang mga maaaring nahawa.

Hindi rin umano totoo ang katwiran ng QC government na natural lamang na maraming kaso ng COVID-19 doon dahil sa 2.94 milyon ang populasyon nito.

Paliwanag ni Defensor ang Cavite ay mayroong 3.68 milyong populasyon samantalang ang Laguna ay 3.04 milyon pero mas konti ang kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.

Hanggang noong Enero 11, ang Cavite ay mayroong kabuuang 176,330 kaso ng COVID-19 samantalang ang Laguna ay 132,095.

Noong Nobyembre, si Defensor at tatlong kinatawan ng Quezon City– Representatives Anthony Peter “Onyx” Crisologo, Precious Hipolito-Castelo at Allan Reyes – ay naghain ng resolusyon sa Kamara upang himukin ang Department of the Interior and Local Government na i-takeover ang pandemic response ng lungsod.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?