184
crime
Aug 16, 2019 @ 13:30
By

Nagwalang lasing tinodas ng retiradong Navy

Nasawi ang isang lalaki matapos magwala at mabaril ng kapitbahay na isang retiradong opisyal ng Philippine Navy, Huwebes ng hapon sa Puerto Princesa City, Palawan.

Idineklarang dead on arrival sa pinagsugurang pagamutan dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Romeo Pagayuna, nasa hustong gulang at residente ng Barangay San Miguel ng nabatid na lungsod.

Samantala, naaresto naman ng rumespondeng pulisya ang suspek na si Arnold Calope, 56, retiradong Philippine Navy official at kapitbahay ng biktima.

Sa ulat na ipinadala ni Police Lt. Col. Socrates Faltado, tagapagsalita ng Police Regional Office ng Mimaropa, naganap ang alas-4:45 ng hapon sa harapan ng tahanan ng suspek sa Baltan Interior, Purok Balikatan, Brgy. San Miguel ng lungsod na ito.

Ayon sa imbestigasyon, nasa impluwensya ng alak ang biktima nang bigla na lamang itong magwala sa harapan ng tahanan ng suspek dahilan upang lumabas ito ng bahay at sinaway ang una sa kanyang pagwawala.

Subalit imbes na makinig ay lalo pang nagwala ang biktima dahilan upang mainis ang suspek at pagbabarilin ito.

Nakakulong ngayon ang suspek sa Puerto Princesa PNP detention cell habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?