74

Dec 3, 2017 @ 14:16
By

Nagtulak ng anti-dengue vaccine program, mananagot – DOJ

Papasok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagsisiyasat sa posibleng pananagutan ng mga nagtulak ng anti-dengue immunization program.

Ito ay kasunod pa rin ng pag-amin ng pharmaceutical company na Sanofi na maaring makapagdulot ng mas malalang karamdaman ang produkto nilang bakuna na Dengvaxia sa mga batang hindi pa tinatamaan ng dengue.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre II, magpapalabas siya ng department order para pormal na atasan ang NBI na magsagawa ng imbestigasyon.

Nais ni Aguirre na malaman kung may iregularidad ba sa kontrata sa pagitan ng Sanofi at Department of Health (DOH), at kung naabisuhan ba nang tama ng Sanofi ang DOH sa kung sino ang maari lamang na mabigyan ng bakuna.

Kasama rin sa aalamin ng NBI ang posibilidad na may nangyaring pagkukulang sa panig ng mga dating opisyal ng DOH.

Lahat aniya ng sangkot o may partisipasyon sa pagbili ng bakuna ay kasama sa mga maiimbestigahan.

Matatandaan na inilunsad ang anti-dengue immunization program ng DOH noong Administrasyong Aquino at naisakatuparan sa ilalim ni Dating Health Secretary Janet Garin.

Ginastusan ang programa ng P3.5 billion.

Ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Asya na nagbigay ng Dengvaxia Vaccine. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?