44

Mar 10, 2020 @ 17:38
By

Nagtalo sa pera: Mister tinodas si misis

Dahil sa pera, patay ang isang misis matapos siyang saksakin ng screw driver sa lalamunan ng kanyang lasing na mister sa Barangay Palawig, Sta. Ana, Cagayan noong Lunes ng madaling araw.

Kinilala ng Sta. Ana Police Station (SAPS) ang biktima na si Susan Umbay, 45, ng nasabing barangay.

Samantala, ang suspek na sumuko sa pulisya pagkatapos ng pananaksak ay si Reynaldo Umbay.

Base sa report, ayon kay SAPS deputy commander P/Capt. Joel Labasan, umuwing lasing ang suspek bandang 12:16 ng madaling araw noong Lunes.

Ayon sa SAPS, nag-away ang mag-asawa tungkol umano sa pera at sa kanilang mainitang pag-aaway, kumuha ng screw driver si Reynaldo at walang sabi-sabing tinarakan sa lalamunan si Susan.

Agad na sinugod ang biktima sa opital ngunit siya ay dead-on-arrival, ayon sa mga doctor.

Natagpuan naman ng 19-anyos na anak ang bangkay ng kanyang ina matapos maulinigan ang pagtatalo ng kanyang mga magulang.

Nakakulong ngayon si Reynaldo sa SAPS detention cell at kasong parricide ang sinampa laban sa kanya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?