91

Jul 10, 2019 @ 13:23
By

Nagpasabog sa Indanan, Sulu, unang Pinoy suicide bomber

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory Region 11 na Pinoy ang isa sa suicide bomber sa naganap na twin bombing sa isang military camp sa Indanan, Sulu noong Hunyo 28 na ikinamatay ng walo katao at ikinasugat ng 22 iba pa.

Sa ginawang DNA sample kinilala ng awtoridad ang Pinoy suicide bomber na si Norman Lasuca, 23, nag-match ang DNA sample ng suicide bomber sa ina nitong si Vilman Alam Lasuca na isinagawa ng PNP crime Laboratory.

Ito ang kauna-unahang validated case ng isang Pinoy suicide bomber ayon sa awtoridad.

Matatandaang positibong kinilala si Lasuca ng kaniyang Ina nang makipag ugnayan ito sa militar para kunin ang ulo ng kaniyang anak na tanging natira matapos ang ginawa nitong pagpasabog.

Kuwento ni Gng. Vilma, 2014 pa nila huling nakita ang anak na si Norman at ngayon lang muli nila ito nakita subalit wala nang buhay.

Batay sa impormasyon, sinabi ni Western Mindanao Command Cirilito Sobejana na si Lasuca ay miyembro ng Abu Sayaf Group sa ilalim ni Hatib Sadjan Sawadjaan.

Samantala, bigo pa ang mga awtoridad na malaman ang pagkakakilanlan ng isa pang suicide bomber at patuloy nila itong iniimbestigahan.

Matatandaang noong Hunyo 28 bago magtanghali ay dalawang magkasunod na pagsabog ang naganap sa 1st Combat Brigade Team ng Philippine Army sa Indanan, Sulu na ikinasawi ng walo katao kabilang ang tatlong sundalo at ikinasugat naman ng 22 iba pa na kinabibilangan din ng siyam na sundalo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?