550
Nagpapaawa lang! De Lima ipalit kay Virgin Mary - Duterte
Mar 6, 2019 @ 14:21
By

Nagpapaawa lang! De Lima ipalit kay Virgin Mary – Duterte

Binuweltahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nakakulong na si Senadora Leila de Lima matapos itong tawaging Poncio Pilato.

Sa kanyang talumpati sa campaign rally ng PDP-Laban sa Bangued, Abra, tinawag ng Pangulo ang senadora na ambisyosa at nagpapanggap na banal at walang kasalanan.

Batid naman aniya ng buong Pilipinas ang dahilan kung bakit ito nakulong pero nagpipilit pa rin itong palitawing malinis ito, walang kasalanan gaya ng birheng Maria, at ang masama ay ang kanyang mga kalaban.

“Si de Lima, alam naman ng buong Pilipinas ang umpisa nyan. Nag-umpisa yan sa….sino bang nakialam noon? Senado tapos Department of Justice. Ambisyosa lang at marunong lumusot. She’s painting everybody in town black so that she will appear a Virgin Mary,” anang Pangulo.

Binaggit ng Presidente ang video tape umano ng senadora pero pilit pa ring tinatanggi na isang uri aniya ng kaipokritahan.

Hindi rin nakaligtas sa banat ng Pangulo ang mga makakaliwang grupo na aniya ay panay-panay ang pagbibigay ng award kay de Lima na gustong palitawing kinawawa ito ng gobyerno.

“Pero hai ka, may tape na tok tok tok…what a hypocrisy. Tapos itong mga left naman sa labas panay ang award nila. Ako diretsuhin na lang natin, kung mamatay si Virgin Mary siya na lang ipalit natin,” dagdag pa ng Presidente.

Sinabi ng Pangulo na batid niyang konserbatibo ang mga taga-Abra pagdating sa relihiyon at paniniwala pero kailangan aniyang sagutin nito ang mga banat sa kanya.

“I know Abra is conservative sa relihiyon, pero alam mo kasi wala akong magawa I have to answer,”wika pa ng Pangulo.

Nauna rito, tinawag ng detenidong senadora ang Presidente na Poncio Pilato matapos umanong maghugas-kamay sa mga natatangap na pagbabanta sa ilang pari at obispo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?